2 araw tigil-pasada ikakasa ng PISTON at Manibela
MANILA, Philippines — Muli magkakasa ng tigil-pasada sa susunod na linggo ang transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at Manibela sa Setyembre 23 at 24.
Layunin anila nitong ipakita ang kanilang pagtutol laban sa Public Transport Modernization Program (PTMP) na dating kilala sa tawag na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Nabatid na kabilang sa demands ng grupo sa pamahalaan ang tuluyang pagbasura sa PTMP; pagkansela sa puwersahang konsolidasyon ng prangkisa; pag-renew ng prangkisa at rehistro ng lahat ng PUV operators, kabilang na yaong tumanggi sa konsolidasyon.
Bukod dito, nais din ng grupo na itigil ang PUV phaseout programs, at ang budget para dito ay ilaan na lamang sa rehabilitasyon ng mga tradisyunal na jeepneys at subsidiya para sa lokal na industriya.
Hihilingin din nila na pahintulutan na mag-withdraw yaong nakapasok na sa konsolidasyon ng prangkisa.
Taong 2017 pa nang ilunsad ng pamahalaan ang naturang programa ngunit naantala ang implementasyon nito bunsod na rin nang pagtutol ng ilang transport groups.
- Latest