MANILA, Philippines — Aabot sa halos P200 milyong halaga ng smuggled cigarettes ang nasabat ng pinagsanib na puwersa ng Criminal Investigation and Detection Group’s Anti-Fraud and Commercial Crimes Unit (CIDG-AFCCU) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon City at Caloocan.
Ang nasabing operasyon ay kasunod ng direktiba ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Rommel Marbil na paigtingin ang kampanya laban sa mga puslit na sigarilyo na nakaaapekto sa ekonomiya ng bansa.
Bitbit ang BIR Mission Orders, unang sinalakay ang isang bodega sa No. 61 Balingasa St., Balintawak, Quezon City, na sinuportahan din ng mga tropa ng QC Police District na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang Chinese at dalawang Filipino.
Nakakumpiska ng 1,729,248 pakete ng smuggled cigarettes na may mga brand na FarStar, Mighty Red, Marlboro, Camel at Milano na tinatayang nagkakahalaga ng P184,275,000.
Kasunod na sinalakay alas-11 ng gabi kamakalawa ang isa pang warehouse sa 163 F. Roxas Street, 6th Avenue, Grace Park West, Barangay 54, Caloocan City at nasa 170 kahon ng mga smuggled na sigarilyo kabilang ang mga brands ng Fortune, Camel, at Modern Green na nagkakahalaga ng P12,750,000. Lahat ng nakumpiskang sigarilyo ay pawang walang BIR tax stamps.
Pahayag ni CIDG Chief PMaj. Gen. Leo Francisco, lahat ng nakumpiskang smuggled na sigarilyo ay nagkakahalaga P197 milyon.
Ang mga nakumpiskang mga kontrabando ay nasa pag-iingat na ng BIR main sa main office nito, samantalang ang mga naaresto ay nasa kustodiya na ng CIDG-AFCCU.
Nahaharap sa kasong paglabag sa National Internal Revenue Code partikular na ang Tax Evasion ang mga nahuling suspek.