MANILA, Philippines — Pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa isang uri ng imported mpox vaccine na sinasabing available na sa bansa.
Ito ay makaraang makatanggap ng ulat na mayroong mga organisasyon at indibiduwal na nag-aalok nito na galing pa umano sa abroad.
Sa abisong inilabas ng kagawaran, sinabi nitong naipasok sa bansa ang mga bakuna nang hindi nila naiinspeksiyon at ng iba pang regulatory agencies gaya na lamang ng Food and Drug Administration (FDA).
Binigyang-diin nito na kung hindi ito aprubado ng DOH at FDA, nangangahulugan ito na posibleng hindi rin ito nailagay sa tamang imbakan at hindi rin dumaan sa wastong handling.
Paalala ng DOH, antabayanan lamang ang mpox vaccines na legal na naipasok sa bansa para masigurong totoo, ligtas at epektibo ang makukuhang mga bakuna.