MANILA, Philippines — Inaprubahan na ng House Committee on Legislative Franchises ang panibagong prangkisa ng Manila Electric Company (Meralco) para sa karagdagan pang 25 taon upang makapagsagawa ng operasyon sa bansa.
Ang pag-aapruba ng nasabing panel ng Kamara sa pamumuno ni Parañaque City 2nd District Rep. Gus Tambunting ay matapos namang pag-isahin na ang House Bills 9793, 9813 at 10317 at ang inamyendahan nitong bersiyon para sa renewal ng prangkisa ng Meralco.
Ang naturang mga panukalang batas ay iniakda nina House Committees on Ways and Means Chairperson Joey Salceda (2nd District Albay), Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez, Chairman ng House Committee on Constitutional Amendments at House Committee on Energy Chairperson Rep. Lord Allan Jay Velasco (Marinduque Lone District).
Si Rodriguez ang nagmosyon para sa renewal ng prangkisa ng Meralco para sa karagdagan pang 25 taong operasyon.
Alinsunod sa kasalukuyang prangkisa ng Meralco, otorisado itong magtayo, mag-operate at panatilihin ang sistema ng distribusyon ng elektrisidad sa mga konsumer sa mga siyudad at munisipalidad sa buong Metro Manila, Cavite, Rizal, Batangas, Laguna, Quezon at Pampanga.
Pinagtibay rin ng komite ang paggagawad ng prangkisa ng Negros Electric Power Corporation (NEPC), ang prangkisa para pangasiwaan at mag-operate ng distribusyon ng supply ng kuryente.