MANILA, Philippines — Ilan sa 17 Filipino seamen na crew ng MV Galaxy Leader na hawak ng Houthi rebels sa Yemen ang nakakaranas na umano ng sakit na malaria.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil at sinabing patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa gobyerno ng Yemen para bigyan ng medical assistance ang mga Filipino crew members ng MV Galaxy leader.
Sinabi pa ni Garafil na tinatrabaho na rin ng pamahalaan ang pagpapalaya sa mga Filipino seafarers para sa humanitarian reasons.
Batay sa report na nakarating sa Pangulo, kinumpirma ni Honorary Consul to Yemen Mohammad Saleh Al-Jamal ang pagkakasakit ng ilan sa mga Filipino crew ng barko kaya humingi ito ng tulong sa Sana’a authorities na palayain ang mga ito upang malapatan agad ng lunas.
Tumugon naman umano ang Sana’a authorities na magpapadala sila ng mga espesyalistang doktor sa MV Galaxy Leader upang tingnan ang kondisyon ng mga nagkakasakit na Pinoy seamen.
Ang Sana’a ang capital ng Yemen at may kontrol umano sa mga rebeldeng bumihag sa mga Filipino seaman.
Gayunman, matigas ang posisyon ng mga may kontrol sa Houthi rebels na palalayain lamang ang 17 Filipino seamen depende sa kalalabasan ng negosasyon kaugnay sa isyu ng gulo sa pagitan ng Israel at Gaza.
Ang MV Galaxy Leader na may sakay na 17 Filipino crew ay na-hijacked ng mga rebelde noong November 2023 habang bumibiyahe sa Red Sea.