Magtiyahin patay sa heat stroke
Bangkay naaagnas na…
MANILA, Philippines — Posible anyang namatay sa heat stroke ang magtiyahin na nadiskubreng kapwa naaagnas ang bangkay sa loob ng kanilang bahay, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Kinilala ang mga biktima na sina Nora Tiongson y Torralba, 72, isang senior citizen at Gerald Kinsky Torralba y Radaza, 37, employee, kapwa residente ng Block 80 Lot 46 Florante at Laura St., Brgy. Greater Lagro, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni PSSg Runald Ceniza ng Quezon City Police District Station 16, alas-10:00 ng gabi nitong Miyerkules nang magtungo sa nasabing tirahan ang kaopisina ni Radaza na si Roderick Reyes dahil sa ilang araw nang hindi pumapasok.
Makailang ulit na kinakatok ni Reyes ang bahay ng mga biktima, subalit walang sumasagot kaya napilitan itong humingi ng tulong sa mga opisyal ng Barangay Greater Lagro.
Sa pagpasok ni Ex-O Vincent Andrew Tesoro, at mga BPSO na sina Ramil Dacumos, Elenita Ganuelas, Ignacio Calilong at Alesandro Muyuela, masangsang na amoy ang bumulaga sa kanila kaya napilitang sirain ang bintana ng bahay.
Nakita nila si Radaza na nakahiga sa sopa at wala ng buhay, habang nadiskubre naman ang bangkay ni Torralba sa loob ng kuwarto nito na kapwa naaagnas na.
Posible umanong heat stroke ang ikinamatay ng mga biktima.
- Latest