MANILA, Philippines — Inaasahang hanggang kalagitnaan pa ng Mayo mararanasan ng bansa ang matinding init ng panahon.
Ito ang sinabi kahapon ng Philippine Atmospheric Geophysical Astronomical Service Administration (PAGASA) matapos na umabot sa record high ang init sa 38.8 degrees sa Maynila.
Ayon sa PAGASA kadalasang mainit ang mga buwan ng Marso, Abril at Mayo na mas pinatindi pa ito ng nararanasang El Nino.
Dahil sa matinding init, marami ang nagtutungo sa mga shopping malls at mga hotel upang maibsan ang init ng panahon.
Sinabi ng PAGASA na tinalo nito ang huling naitalang all-time high hot temperature para sa Metro Manila na 38.6ºC na naitala noong 1915.
Kahapon ay pumalo sa 44°C ang heat indez sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City habang 43°C naman sa Science Garden sa Quezon City.
Sinasabing ang heat index ay ang sukatan ng temperatura na nararamdaman ng isang tao na taliwas sa aktwal na temperatura ng hangin.
Ito ay kinakalkula sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa halumigmig at temperatura ng hangin.
Pinaaalahanan ng PAGASA ang publiko laban sa heat cramps at heat exhaustion partikular sa mga lugar na makararanas ng danger level heat index na 42 hanggang 51°C.
Mag-ingat din sa heat stroke dahil sa pagbibilad sa araw.
Sakaling makaranas ng heat stroke symptoms kailangan na dalhin sa malilim na lugar ang indibidwal at hubaran ng damit. Makatutulong din ang paglalagay ng cold compress sa mukha, ulo, batok, kilikili at pulso.