MANILA, Philippines — Nasabat ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ang tangkang pagpupuslit ng may P37 milyong halaga ng marijuana o dried kush sa Manila Port, nabatid kahapon.
Ito’y matapos ang isinagawang physical examination at x-ray scanning noong Biyernes, na nagresulta sa pagkakadiskubre ng mga ilegal na droga na itinago sa loob ng isang container.
Pinuri ni Customs Commissioner Bien Rubio ang operasyon at sinabing ang 100% physical examination at small baggage x-ray scanning ng shipment ay nakitaan ng anim na kahon na naglalaman ng 30,952 gramo o 30.952 kilogramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana o kush na may total estimated value na P37,142,400 milyon. Nabatid na hiniling ng CIIS-MICP ang 100% physical examination ng shipment matapos ang profiling at pagkatanggap ng derogatory information na nagsasaad na may mga balikbayan boxes ang naglalaman ng ilegal na droga mula sa Thailand.
Ayon kay CIIS Director Verne Enciso, ang anim na kahon ay naglalaman ng marijuana na may iba’t ibang timbang matapos na suriin sa Designated Examination Area (DEA) ng MICP.
Sinabi naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy na nagpapatuloy ang marking ng mga nakumpiskang kontrabando sa naturang lugar.