Clerk of court, sibak sa paghingi ng ‘lagay’
MANILA, Philippines — Isang clerk of court ang tanggal sa serbisyo makaraang mapatunayang nanghingi ng lagay para mapabilis ang pagpapalabas ng mga dokumento sa korte.
Sa desisyon inilabas ng Supreme Court, sinibak si Michael Vincent Ozon, Clerk III ng Butuan City Regional Trial Court (RTC) Branch 1 dahil sa “gross misconduct” bunsod sa paghingi umano nito ng pera sa mga may kaso sa nasabing korte.
Nag-ugat ang desisyon sa kasong inihain ng complainant na itinago sa pangalang “Danilo Divinagracia” laban kay Ozon.
Ayon kay Divinagracia, nanghingi umano sa kaniya ang nasabing clerk ng pera na aabot sa P25,000 para mailabas ang “certificate of finality” ng kaniyang kaso para sa deklarasyon ng “nullity of marriage”.
Sa isa pang imbestigasyon ni Executive Judge Augustus Calo, nadiskubre na isa pang “litigant” ang umiiyak na nagtungo sa korte dahil sa hindi pa nailalabas ang “certificate of finality” sa kaniyang kaso sa kabila na nagbigay na umano siya ng P500 kay Ozon.
Bukod dito, nakakalap pa ang korte ng testimonya sa dalawa pang pribadong indibiduwal na nagsabi na nag-alok si Ozon ng serbisyo para mapabilis ang proseso ng kanilang “annulment cases”. Sa halip na normal na panahon na itatagal, nangangako si Ozon na aabot lamang sa tatlong araw ang paglalabas ng desisyon sa pamamagitan ng pagpapadala nito sa Office of the Solicitor General (OSG) kapalit ng P5,000.
- Latest