Pambansang protesta kontra PI arangkada sa Davao
MANILA, Philippines — Nasa 50,000 katao sa iba’t ibang parte ng bansa ang inaasahang lalahok sa isang multi-sectoral prayer rally sa Linggo upang iprotesta ang paggamit ng mga programa at pondo ng gobyerno upang hikayatin ang mga botante na pirmahan ang mga dokumento para sa pagbabago ng Saligang Batas bilang pagpapamalas ng pagsuporta rito.
Sa privilege speech nitong linggo, nanawagan si Davao Third District Councilor Conrado C. Baluran sa buong bansa na sumali sa naturang prayer rally na tinawag na “One Nation, One Opposition” at pangungunahan ng mga pinuno at opisyal ng Davao, miyembro ng akademya, civil society, at concerned citizens.
“Kasabay ng aming panawagan sa lahat ng Pilipino na makiisa sa napakaimportanteng pambansang adhikaing ito, hindi lang magpapatinag ang Davao City kundi ito’y magiging aktibong kalahok para sa pagsusulong ng tama at mabuti para sa bansa,” ani Baluran.
Binigyang-diin ng konsehal ng Davao na “not for sale ang mga Davaoeños” kasabay ng kanyang pagpapaliwanag na kanilang inorganisa ang prayer rally upang tutulan ang panunuhol ng mga nasa likod ng People’s Initiative (PI) gamit ang ilang programa ng Department of Social Welfare and Development.
Nauna nang nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) laban sa mga opisyal ng barangay na mangalap ng mga lagda para sa PI.
Tiniyak pa ni Garcia na kapag lumusot ang petisyon para sa Charter Change at ipinasa na ito sa komisyon ay kanila rin namang bubusisiin kung tama ang mga pirma at kung ang mga taong nakalagda rito’y hindi nilinlang o pinuwersa ng sinumang opisyal.
- Latest