Dahil sa selos
MANILA, Philippines — Idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang 24-anyos binata matapos pagsasaksakin ng dating lover ng kanyang nobya, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Kinilala ang nasawi na si Gabriel Dantes Dela Cruz, 24, tubong Sitio Tulo, Pangascasan, Bugallon, Pangasinan habang pinaghahanap naman ang suspek na si Jay Anino Leonardo, alyas Jay Mandate, 37, construction worker at naninirahan sa No. 8 Maligaya Extension, Nitang Avenue, Barangay Gulod, Novaliches, Quezon City.
Sa pagsisiyasat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang krimen, alas-11:25 ng gabi sa bahay ng biktima.
Nabatid na dating maglive in partner ang suspek at ang nobya ng biktima na si Maricris Guingab Trinidad.
Natutulog ang biktima at si Trinidad sa nasabing address nang dumating ang suspek.
Pinagbuksan ng pinto ni Trinidad ang suspek at walang sabi-sabing inundayan ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Sa kabila ng mga saksak sa katawan, nagawang makatakbo ng biktima, subalit hinabol pa rin ito ng suspek sa labas ng bahay gamit ang screw driver sa pananaksak.
Malaki ang hinala ng pulisya na sobrang selos umano ang nag-udyok sa suspek para patayin ang biktima upang magkasama muli sila ng dating nobya.
Nahaharap sa kasong murder ang suspek na ngayon ay nasa ilalim ng manhunt operation.