MANILA, Philippines — Ang mga estudyante sa senior high school (SHS) na maaapektuhan nang gagawing pagtitigil ng SHS program sa mga State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) ay maaari umanong lumipat sa mga pampublikong paaralan, na nag-aalok ng basic education.
Ang pahayag ay ginawa ni Department of Education (DepEd) Undersecretary at Spokesperson Michael Poa,kasunod na rin nang paglalabas ng memorandum ng Commission on Higher Education (CHED) na nagsasaad na ititigil na nila ang SHS program sa mga SUCs at LUCs.
Ayon pa kay Poa, maaari ring magpa-enroll ang mga displaced SHS students sa mga pribadong paaralan sa susunod na school year at mag-avail ng voucher program.
Tiniyak rin niya na walang estudyante na recipient ng SHS voucher program ang apektado ng naturang direktiba ng CHED dahil wala na umanong mga Grade 11 voucher recipients na naka-enroll sa SUCs at LUCs ngayong School Year 2023-2024.