Pagbebenta ng paputok online, bawal - PNP

Pinangunahan ng grupong animal welfare advocates at environmental health group ang “Iwas Paputoxic” parade na isinagawa sa isang mall sa Quezon City upang magbigay ng awareness sa epekto ng pagpapaputok ng pyrotechnic devices sa tao, hayop at kapaligiran sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ernie Peñaredondo

MANILA, Philippines — Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa netizens na iwasan ang pagbili ng mga firecrac­kers o paputok dahil ito ay bawal at may peligro  sa kalusugan at maging sa ari-arian lalo na ang mga malalakas na uri ng paputok na lubhang mapanganib.

Sinabi ni P/Col. Jay Guillermo, Chief ng PNP Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) Cyber Response Unit na ang mga paputok na binili sa online ay maaaring mag-init at pagmulan ng aksidente sa panahon na idine-deliver ito.

Ginawa ni Guillermo ang pahayag sa gitna na rin ng mga ulat sa talamak na bentahan ng mga paputok sa online at  kabilang rin sa mga ibinebentang paputok sa online ay mga gawang China habang ang iba naman ay illegal na iminanupaktura o hindi dumaan sa ‘safety standards’ na posibleng may mga depektibo pa.

Ayon sa opisyal, di tulad ng mga pisikal na tindahan na kumukuha pa ng permits at dumadaan sa masusing inspeksiyon para magbenta ng firecrackers ang mga nagbebenta sa online ay wala ni anumang rekisitos na pinasahan o dinaanan.

Pinayuhan ni Guillermo ang mga nais na bumili ng paputok na pumunta na lamang sa mga pisikal na tindahan at doon bumili  sa halip na sa online.

Sa tala ng PNP-ACG, simula Disyembre 19 ay tatlong online sellers na ng mga paputok ang nasakote ng kanilang mga tauhan.

Patuloy naman ang paalala ng opisyal na mas mabuting salubungin ang Bagong Taon ng mapayapa para sa kaligtasan ng sinuman, ng kanilang mga pamilya at maging ng mga tao sa kanilang kapaligiran.

Show comments