Drag racer nanagasa ng pulis
Ayaw magpahuli
MANILA, Philippines — Isang lalaki na sangkot sa illegal drag racing ang inaresto matapos sagasaan ang isang pulis na huhuli sa kanya sa Quezon City, kamakalawa.
Kinilala ang suspek na si Carl Andre Perez, 23, ng Brgy. Kaligayahan, Novaliches, Quezon City.
Sa ulat, alas-2:10 ng madaling araw nitong Huwebes nang mapansin ng mga tauhan ng Quezon City Police Station 16 TMRU ang isang kulay dilaw na Honda Civic Sedan at isa pang kotse na sobra ang ingay dahil sa accelaration ng dalawang sasakyan.
Nabatid na inihahanda na pala ng suspek ang kanyang kotse para sa drag racing contest sa Commonwealth Ave., kanto ng Mindanao Avenue, Brgy. Pasong Putik Proper, Novaliches ng lungsod.
Dito ay nilapitan ni Pat. Selvin Razon ang suspek, pero agad na pinaharurot ang kotse kaya’t nasagasaan ang una at hinabol ng iba pang kasama.
Dakong alas-9:15 ng umaga kahapon nang isuko ang suspek ng kanyang ama sa Brgy. Hall ng Kaligayahan, Novaliches, Quezon City at saka inaresto ng mga pulis. Nakuha naman ang sasakyan nito na kulay dilaw na Honda Civic na may plate No. WFD 616 sa San Mateo, Rizal.
Nahaharap ang suspek sa kasong frustrated murder, resistance and disobedience to an agent of a person of authority, alarms and scandal, at paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, sa ilalim ng Presidential Decree No. 1865.
- Latest