Sundalo, 2 CAFGU pinatay; kabaro nagbaril sa sarili
MANILA, Philippines — Nasawi ang isang sundalo ng Philippine Army at dalawang miyembro ng Civilian Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) nang pagbabarilin ng kasamahang CAFGU na nagbaril din sa sarili, naganap sa Banaue, Ifugao nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Staff Sergeant Andrew Dulnuan; Civilian Active Auxiliary (CAA) Alfone Maguiwe; Sanny Bumad-ang; at Jebilie Banghuyao.
Ayon kay Police Major Richard Ananayo, hepe ng Banaue Police Station, nangyari ang insidente, alas-6:45 ng gabi nitong Biyernes, Nobyembre 17 sa Delta Company, 54th IB, Sitio Mt. Polis, Brgy. Viewpoint, Mt. Polis Patrol Base, Banaue, Ifugao.
Napag-alaman na nagkaroon ng inuman sa mess hall ang mga biktima at suspek at naungkat ang isyu sa pag-duty ng mga Civilian Active Auxillary.
Lumilitaw na sinabihan ni SSgt. Dulnuan si Banghuyao na pag-uusapan ang duty kinabukasan upang mas maipaliwanag sa kanya ang sistema.
Naawat naman ang suspek na hinatid pa ng saksing si Pepe sa kanilang bunker.
Subalit, kinuha ng suspek ang M16 armalite at bumalik sa mess hall at pinaputukan ang mga kasamahan at pagkatapos ay itinutok umano ng suspek ang baril sa sarili at saka kinalabit ang gatilyo.
Wala pang pahayag ang Armed Forces of the Philippines (AFP) tungkol sa nangyaring insidente.
- Latest