MANILA, Philippines — Dinakip ng pulisya ang ina ng beauty queen na si Maggie Wilson dahil sa kasong carnapping sa Taguig City kahapon.
Sa impormasyon mula sa PNP Public Information Office, inaresto ang 64-taong gulang na ina ni Wilson, alas-9:55 ng umaga sa Brgy. Ususan.
Ayon kay PNP PIO chief, PCol Jean Fajardo, inihain ng mga tauhan ng Taguig City Police ang warrant of arrest sa suspek dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 10883, o ang New Anti-Carnapping Act.
Inilabas ang warrant ni Judge Antonio Olivete ng Taguig Regional Trial Court Branch 267.
Inihayag rin ni Wilson sa kaniyang social media account ang pag-aresto sa kaniyang ina. Ipinagtataka niya kung paano nadawit ang kaniyang ina sa carnapping gayung hindi umano ito marunong magmaneho at walang driver’s license.
May nakalaan na P300,000 halaga ng piyansa ang korte sa kaso ngunit hindi pa tiyak kung nakapaghain na ang suspek.