Ammonia leak sa Taguig: daan-daang residente inilikas
MANILA, Philippines — Inilikas ang daan-daang residente ng Brgy. Lower Bicutan sa Taguig City makaraang sumingaw ang ammonia sa isang ice plant kahapon ng umaga.
Sa ulat ng Taguig Public Information Office, alas-8:00 ng umaga nang maiulat ang ammonia leak sa isang ice plant sa may M.L. Quezon St., Brgy. Lower Bicutan, na agad nirespondehan ng mga tauhan ng Taguig City Rescue at Bureau of Fire Protection.
Inilikas ng City Social Welfare and Development Office ang mga apektadong residente sa evacuation site sa Hagonoy Gymnasium.
Agaran ding sinuspinde ang klase sa kalapit na R. P. Cruz Elementary School para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.
Hinarangan din ang mga kalsada patungo sa site para mapigilan na makapasok ang mga motorista.
Dakong alas-9:00 ng umaga nang ideklara ng BFP na napigil na ang singaw at wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
- Latest