MANILA, Philippines — Tumakas sa kilusan ng mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF ang dalawang environmentalist students na unang napaulat na nawawala at dinukot.
Ito ang ibinunyag ng National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan E. Malaya sa pulong-balitaan ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na idinaos sa National Press Club sa Maynila at nasa ligtas nang kalagayan sina Jhed Tamano at Jonila Castro sa isang safe house matapos sumuko sa mga pulis sa Bataan sa takot na balikan ng mga dati nilang mga kasamahan sa kilusan.
Ayon kay Malaya, hindi environmentalists sina Tamano at Castro sa halip ay tumatayong organizer ng grupong Kabataan at Karapatan.
Kinondena rin ni Malaya ang mga organisasyon ito na humuhubog sa mga kabataan upang maging mandirigma ng New People’s Army (NPA) sa mga kanayunan.
Sinabi din ni Malaya na humingi sila ng DOJ assistance upang ihanda ang mga kaso laban sa mga tao at mga organisasyong nagpakalat ng maling balita sa dalawang mag-aaral.
Sinabi naman ni Police Captain Carlito Buco Jr., Chief Public Information Officer of the Bataan Provincial Police Office, na ang pangyayari ay nagdulot din ng takot sa iba pang mga magulang sa probinsiya na may mga pinag-aaral pang mga anak na tina-target ng mga komunistang-terorista na mapasanib sa kanila at maging mga gerilya ng CPP-NPA-NDF.