MANILA, Philippines — Ipatutupad na sa Martes, Setyembre 5 ang rice price ceiling o paglilimita sa presyo ng bigas sa buong bansa.
Ang hakbang ay matapos na aprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive order No. 39 na nagtatakda sa presyo ng bigas sa P41 kada kilo sa regular milled rice at P45 kada kilo sa well-milled rice.
Sinabi ni Office of the Executive Secretary Undersecretary Leonardo Roy Cervantes, agad na magiging epektibo ang price ceiling oras na mailathala na ang EO sa mga pahayagan o national newspapers.
Nilinaw naman ni Cervantes na lahat ng katanungan tungkol sa naturang executive order ay maaaring itawag sa 8888 Citizen’s Complaint Center ng gobyerno.
Nauna nang inaprubahan ni Marcos ang rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na magtakda ng presyo ng bigas sa gitna ng nakaalarmang pagtaas ng presyo nito sa mga palengke.
Kasabay nito, inatasan din ng presidente ang DA at DTI na mahigpit na bantayan ang presyo ng bigas, bisitahin ang mga palengke, supermarkets at maging ang mga bodega na pinaghihinalaang sangkot sa hoarding, profiteering at iba pang illegal na aktibidad.