MANILA, Philippines — Isang pinakamataas na kumander ng New People’s Army (NPA) sa Masbate at 4 nitong kasama ang nasawi sa magkahiwalay na engkwentro sa bayan ng Ragay, Camarines Sur, kamakalawa.
Kinilala ang napatay na NPA commander na si Arnold Dela Peña Rosero, alyas “Ka Star/ Ates”, 44-anyos, pinuno ng Kilusang Larangan Guerilla, North Regional Sub-Committe 4 ng Bicol Regional Party Committee.
Ang grupo ni Rosero ang responsable umano sa pamamaslang noong Hunyo 6 sa football player ng Far Eastern University na si Keith Absalon at sa pinsan nitong si Nolven sa Masbate City.
Nasawi rin sa bakbakan ang tatlong tauhan nito na sina Sheryl Dejumo Salazar, alyas “Ka Balbon”, 35-anyos; Glenda Dejumo Ajitan, alyas “Ka Jinlyn”, 46-anyos; at Devina Lubiano Ajitan, alyas “Ka Teyeng”, 51-anyos.
Sa ulat ni Lt.Col.Jeffrey Bugnosen, commanding officer ng 96th Infantry Battalion ng Philippine Army, pasado alas-3:00 ng hapon noong Biyernes ay nagkaroon ng unang engkwentro ang mga kasapi ng 96th Military Intelligence Company, San Jacinto Police, Monreal Police, 502nd Police Regional Mobile Force Battalion 5 laban sa tinatayang 20-bilang ng mga komunista sa bulubunduking lugar ng Brgy. Bartolabac, San Jacinto, Masbate na kung saan ay nakatakas ang mga NPA.
Kinaumagahan ay natunton ng mga humahabol na sundalo at pulis ang mga komunista sa Brgy.Jagnaan ng naturang bayan at nagkaroon muli ng palitan ng putok at napatay si Rosero at tatlo niyang tauhan.
Dakong, alas-9:45 naman ng umaga kamakalawa, nagkasagupa naman ang mga kasapi ng 81st Infantry Battalion ng Philippine Army ang limang komunista sa Brgy. Salvacion, Ragay, Camarines na ikinasawi ng isang kadre na kinilalang si Nestor Postre, alyas “Ka Barbie/ Bebot” ng Squad 2, Kilusang Larangang Grupo 2, ng South Regional Comittee 1 ng NPA Bicol Regional Party Committee. — Borja, Jorge Hallare