Pagpapasok sa Bilibid ng bagong preso tigil muna — DOJ
MANILA, Philippines — Kasunod ng mga insidente ng barilan at pananaksak sa loob ng National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City ay ipinag-utos ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla ang pagpapatigil sa pagpapasok ng mga bagong preso sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City.
Aniya, hindi na tatanggap ng mga bagong persons deprived of liberty o PDL sa Bilibid at sa halip ay dadalhin sila sa ibang mga kulungan na available.
Sinabi ni Remulla na nagpasya silang ihinto na ang pagtaas ng populasyon ng mga PDL sa NBP.
Ika nga niya, “mababawasan na dito, at hindi na madadagdagan.”
Paliwanag pa ng Kalihim, ito ay isa sa mga solusyon sa “congestion” o siksikan sa piitan, at para maiwasan na ang re-culturation ng mga bagong tao sa may masamang kultura.
Sinabi ni Remulla na epektibo na kaagad ang moratorium.
Si Bureau of Corrections o BuCor Dir. Gen. Gregorio Catapang naman ay inaatasang ipaalam sa mga korte ang naturang pagpapairal ng moratorium.
Nang matanong kung saan posibleng dalhin ang mga bagong PDL, sinabi ni Remulla na sila ay dadalhin sa mga kulungan sa Sablayan sa Occidental Mindoro, San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga, Davao Penal Colony, Iwahig sa Palawan at iba pa.
- Latest