Beneficiaries sa ‘sangla-ATM’ scheme, binalaan ng DSWD
MANILA, Philippines — Mariing binalaan kahapon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga benepisyaryo ng cash transfer subsidy programs ng pamahalaan laban sa pagsasangla ng kanilang ATM cards o paggamit ng kanilang cash cards o ATM cards bilang kolateral sa kanilang utang.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ilegal ang “sangla-ATM” scheme at isang paglabag sa cash transfer program ng gobyerno.
Paliwanag pa ni Gatchalian, sa sandaling ibigay ng benepisyaryo ang kanyang ATM o cash card sa ibang tao ay ito na ang nagiging bagong beneficiary ng programa.
“That is against the rules,” dagdag pa ni Gatchalian, sa panayam sa radyo.
“Anytime na isangla mo ang isang cash card na ipinagkaloob sa’yo ng gobyerno... ilegal ‘yun. Sa ‘yo ibinigay ‘yun, sa ‘yo nakapangalan ‘yun at ‘wag na ‘wag mong ibibigay sa ibang tao,” aniya pa.
Nagbabala rin naman si Gatchalian na may katapat na parusa ang naturang paglabag at maaaring mauwi sa pagkakatanggal niya mula sa mga iba pang programa ng pamahalaan sa hinaharap.
“May parusa ‘yun. You can be disbarred from future programs of the government,” ani Gatchalian.
Kaugnay nito, hinikayat din ni Gatchalian ang publiko na kaagad na impormahan ang DSWD kung may nalalaman silang mga benepisyaryo na nagsasanla ng kanilang cash cards o ATM upang kaagad itong maimbestigahan.
- Latest