Hepe ng CIDG-NCR, 12 tauhan sibak sa ‘hulidap’

MANILA, Philippines — Inalis sa puwesto ang hepe ng Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region at 12 nitong tauhan matapos na masangkot sa isyu ng ‘hulidap’ sa isang Chinese sa Maynila.

Sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr., inalis sa puwesto ni CIDG-NCR chief Col. Hansel Marantan ay bunsod ng command responsibility matapos na masangkot ang kanyang mga tauhan sa ginawang pagsalakay sa isang madyungan sa Ongpin, Maynila.

Kinuha rin umano ng mga tauhan ni Marantan ang nasa halos P3 milyon cash, mamahaling relo at bag ng 13 Chinese na hiningan din ng nasa P10 milyon kapalit ng kanilang kalayaan.

Sinabi ni Azurin, na kailangan tanggalin sa puwesto si Marantan upang magbigay daan sa gaga­wing imbestigasyon hinggil sa kanyang mga tauhan.

Lumilitaw na sinalakay kamakalawa ng mga tauhan ng CIDG-NCR ang isang madyungan sa Ongpin, Maynila at doon ay nahuli nila ang nasa 13 matatandang Chinese national na mga naglalaro.

Hindi pa umano doon natapos ang ginawa ng mga tauhan ng CIDG-NCR at binangketa pa nila ang kanilang 13 huling mga Chinese national sa hala­gang P10 milyon kapalit ng kanilang kalayaan.

Napag-alaman na nagsumbong ang mga biktima kasama ang kanilang mga abogado kay PNP Deputiy chief for administration Police Lt. General Rhodel Sermonia dahilan upang ipatawag nito si CIDG Director Brig. General Romeo Caramat upang ipaalam ang pangyayari.

Narekober naman umano ang ilang mamahaling relo at pera sa raiding team, subalit hindi pa malinaw kung sasampahan ng kaso ang mga ito dahil sa kanilang ginawa.Wala pang pahayag si Marantan sa kaso.

Show comments