MANILA, Philippines — Walong shipment mula sa China, Hong Kong, at India na naglalaman ng P104,081,500 halaga ng imported na sibuyas, asukal at sigarilyo ang nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC)-Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) sa serye ng inspeksiyon na isinagawa nila ngayong Pebrero 2023.
Ang mga naturang shipments, na ang lima ay mula sa China, dalawa ang mula sa HongKong at isa mula sa India ay naglalaman ng misdeclared at undeclared na pula at puting sibuyas, mga asukal at mga sigarilyo.
Ayon kay Intelligence Officer 3 Alvin Enciso, hepe ng CIIS-MICP, dumating ang mga naturang shipments sa bansa sa pagitan ng Disyembre 29, 2022 at Pebrero 10, 2023, at ineksamin sa pagitan ng Pebrero 17 at 23, 2023 matapos na maisyuhan ng Alert Orders (AOs), base na rin sa derogatory information na kanilang natanggap.
Pinuri naman ni Deputy Commissioner for Intelligence Group Juvymax Uy ang naturang mga matagumpay na operasyon na nagresulta sa pagkakumpiska ng milyun-milyong halaga ng agricultural products.
“Our Commissioner Bienvenido Rubio has had his hands full with the transition, but that didn’t stop him from leading the agency in our fight against smuggling,” ani Enciso.
Bilang karagdagan, binigyang-kredito rin ni Uy ang CIIS-MICP dahil sa pangangalap ng mga kinakailangang impormasyon upang matunton ang mga naturang illegal shipments.
Anang BOC, ang tatlong consignees ng mga shipments ay aatasang magprisinta ng kaukulang permits para sa importasyon ng mga goods.