MANILA, Philippines — Nasa 470 pasahero nang hindi makapaglayag ang kanilang barko dahil sa masamang lagay ng panahon sa karagatan ang nag-Pasko sa passenger terminal ng Port of Romblon.
Ayon kay Batangas at Romblon Port Manager Joselito Sinocruz, alas-11:00 ng umaga noong Sabado nang umalis sa Romblon Port ang barko ng Starhorse Shipping Lines patungong Sibuyan Island.
Pero, napilitang bumalik ito sa Romblon Port dahil sa delikadong sitwasyon dulot ng paghampas ng malalaking alon.
Sinubukan pa ng barko na bumiyahe dakong alas-5:00 ng hapon pero hindi na pinayagan ng Philippine Coast Guard dahil sa panganib.
Nagalit dahil sa pagkadismaya ang mga pasahero lalo na nang sapilitan silang pababain ng barko para manatili sila sa shelter area.
Sinabi ni Sinocruz na galing sa Lucena City sa Quezon province ang barko na dumaan sa Romblon Port bago sana didiretso sa Sibuyan Island. Lulan din ng barko ang 10 rolling cargoes.
Inatasan naman ni Sinocruz ang shipping lines na pakainin at bigyan ng maayos na matutulugan ang mga istranded na mga pasahero.