6 sangkot sa ‘missing sabungeros’ kinasuhan
MANILA, Philippines — Anim na indibidwal na sangkot sa pagkawala ng mga sabungero noong Enero ang kinasuhan ng illegal detention ng Department of Justice (DOJ).
Sa resolusyong inilabas nitong Disyembre 22, nakitaan ng “probable cause” para sampahan ng kaso ang farm manager na si Julie Patidongan at limang iba pa na sina Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion at Roberto Matillano Jr. na dawit sa “missing sabungeros”.
Ang kaso laban sa anim ay inihain sa Manila City Regional Trial Court at isusumite dito ang lahat ng impormasyon na nakalap ng DOJ panel.
Itinuturo ang anim na nabanggit na dawit sa sabwatan sa pagdukot sa mga biktima na nakilalang sina John Claude Inonog, James Baccay, Marlon Baccay, Rondel Cristorum, Mark Joseph Velasco at Rowel Gomez noong Enero 13.
Nabatid na umalis sa Tanay, Rizal ng naturang petsa ang mga sabungero dakong ala-1 ng hapon at nagtungo sa Manila Arena. Dakong alas-7:30 ng gabi nang puwersahan silang isakay ng isang grupo ng kalalakihan sa isang gray na van at hindi na nakitang muli.
Itinanggi ng mga akusado ang kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero ngunit ikinatwiran ng DOJ panel na binigyan nila ng konsiderasyon ang positibong pagtukoy sa kanila na nagdidiin sa kaso at sa testimonya ng mga saksi.
- Latest