MANILA, Philippines — Pumasa na sa ‘Committee on Basic Education and Culture’ ng Kamara nitong Miyerkules ang panukalang batas na “Last Mile Public Schools” (HB 650) na naglalayong magtatag ng maayos na pampamahalaang mga paaralan at kalsada sa liblib at mahihirap na mga pook o barangay na malimit ay nasa gitna rin ng mga naglalabanang mga puwersa.
Ito ang binalangkas at inakda ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na siya ring ‘House Ways and Means Committee chairman,’ na ang layunin ng HB 650 ang maging direksiyon at gabay ng ‘education system’ ng bansa sa susunod na mga taon.
Sinasabi ng HB 650 na kung ito ay maisasabatas ay hindi na kailanman mangyayaring kailangan pang tawirin ng mga batang mag-aaral ang mapanganib na rumagasang agos ng mga ilog at lakbayin mahahabang baku-bakong mga daan bago sila makarating sa kanilang paaralan.
Binibigyan diin din nito na obligasyon ng pamahalaan at bansa na protektahan at isulong ang karapatan ng lahat na mamamayan sa may mataas na uri ng edukasyon sa lahat ng antas, at gawin ang mga angkop na hakbang upang maging abot-kamay sa kanila ang naturang uri ng edukasyon.