MANILA, Philippines — Hindi bababa sa P2,000 na dagdag na honoraria sa mga guro na nagsilbi ng sobra-sobrang oras nitong nakalipas na eleksyon ng Mayo 9 dulot ng mga nagka-aberyang ‘vote counting machines (VCMs).
Ipinaliwanag ni Comelec acting spokesman, Atty. John Rex Laudiangco na posibleng maging batayan nila sa pagkakaloob ng dagdag na kompensasyon ay ang P2,000 ipinagkaloob sa mga guro na nakaranas din sa kahalintulad na problema nooong 2019 elections.
Unang natanggap ng Comelec ang liham mula kay Education Secretary Leonor Briones para sa hiling na additional honoraria at hinihiling na mabigyan ng tig-P3,000 ang bawat guro at pollworkers na nagtrabaho ng sobrang oras.
Ngunit sinabi ni Laudiangco na hindi nila tiyak kung kaya nilang ibigay ang P3,000 na hinihingi at nilinaw na ang ekstrang bayad ay hindi maituturing na overtime pay at sa halip ay special incentives lamang.
Binigyang-diin ni Laudiangco na bago aprubahan ng Comelec en banc ang dagdag na honoraria, kailangan munang maging malinaw mula sa kanilang Finance Department na may pondong pagkukunan at tatalima ito sa accounting and audit rules. - Mer Layson