MANILA, Philippines — Makalipas ang halos higit na tatlong taong pagtatago ay sumuko na kahapon sa Legazpi City Police Station ang 10 pulis na inaakusahan na nasa likod sa kontrobersiyal na pagpatay sa dating bodyguard ni Atty. Glen Chong at isa pa noong Disyembre 10, 2018 sa bayan ng Cainta, Rizal.
Kinilala ang mga suspek na sina Staff/Sgt. Julius Villadarez ng Quezon City, Staff/Sgt. Richard Raagas, Cpl. Arthur Gerard Ignacio, Patrolman Napoleon Relox, Patrolman Jordan Antonio, Patrolman Marvin Santos, Patrolman Terry Anthony Alcantara, lahat residente ng Rizal, Patrolman Efren Areola Jr. at Cpl. Erwin Macam ng Pangasinan at Cpl.Diogenes Barrameda Jr. ng Antipolo City lahat ay mga kasapi ng PNP Highway Patrol Group at Police Regional Office (PRO) 4 A.
Ayon kay PRO 5 regional director Brig.Gen. Jonnel Estomo, alas-10:30 ng umaga nang magpunta sa Legazpi City Police Station ang mga suspek at sumuko.
Ang sampung pulis ay bahagi ng dalawampung mga suspek na sinampahan ng two counts ng murder o kasong pagpatay kay Richard Red Santillan at Gessamyn “Minmin” Casing sa RTC Branch 99 sa Antipolo City na naglabas ng warrant of arrests laban sa kanila.