MANILA, Philippines — Batay sa pinakahuling resulta ng survey na ginawa sa ilang mga mamamayan ng Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela (CAMANAVA) area ay nangunguna pa rin ang mga nakaupo at ilan sa mga kilalang pulitiko.
Sa isang online survey na may tanong na “Halalan 2022:Sino ang Mayor Mo? CAMANAVA News Survey na isinagawa noong Disyembre 30,2021 hanggang Enero 19, 2022 ay tahasang sinabi ng mga respondents na patok at nais pa rin nilang manungkulan sa kanila ang ilang pulitikong may nasimulan na at may magagawa pa.
Sa Caloocan ay nanguna si Egay Erice na nakakuha ng 2.3K heart reacts o 68% habang 1.1 like lamang o 32% ang nakuha ni Along Malapitan.
Habang sa Malabon ay namayagpag naman si Enzo Oreta na nakakuha 3.2K likes o katumbas na 77% habang si Jeannie Sandoval ay 948 wow o 23% boto.
Gayundin sa Navotas survey ay nanaig sa 55% boto ang nakuha ni RC Cruz na kung saan lumamang siya kay John Rey Tiangco na 45%.
Sa naturang survey 61% mga mamamayan ng Valenzuela ang sumuporta kay Wes Gatchalian bilang mayor habang 39% ang nakuha ng kalabang si Bombit Bernardo.