Mga quarantine hotels lagyan ng mga pulis
MANILA, Philippines — Lagyan ng mga pulis ang mga hotels na ginagamit na quarantine facilities upang wala nang makatakas na pasaway na biyahero.
Ito ang nais ni Pangulong Rodrigo Duterte na kahit dalawang pulis ang bawat quarantine hotel upang matiyak na nasusunod ang mandatory quarantine ng mga biyahero na dumarating sa bansa.
Sinabi ni Duterte na walang kapangyarihan ang mga may-ari ng hotels na pagbawalang umalis ang mga lumalabag sa quarantine protocols.
Ang maaari lamang aniyang makapagpahinto sa mga nais lumabag sa quarantine protocols ay ang mga empleyado ng gobyerno.
Nagpanukala si Duterte kay Interior Secretary Eduardo Año na maglagay ng dalawang pulis sa mga hotels na ginagawang quarantine facilities.
Maging si Justice Secretary Menardo Guevarra ay nagsabi na may pananagutan ang mga may-ari ng hotels kapag pumayag na umalis ang mga dapat naka-quarantine dahil may probisyon tungkol sa hindi pakikiisa sa pagpapatupad ng batas kaugnay sa pandemya katulad nang pagtiyak na ang naka-quarantine ay hindi dapat makalabas.
Pero, aminado si Guevarra na limitado lamang ang magagawa ng mga may-ari ng hotel para matiyak na sumusunod sa quarantine protocols ang mga biyahero. - Mer Layson
- Latest