85,000 pasahero kada araw pasok sa PITX sa Kapaskuhan

MANILA, Philippines — Habang papalapit ang Kapaskuhan, tinatayang aabutin sa 85,000 pasahero ang average na araw-araw na daragsa sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) sa ­Parañaque City.

Nitong Sabado, sinabi ni PITX Corporate Affairs Head Jason Salvador na parami nang paraming Pinoy ang magsisiuwian mula sa Metro Manila patungo sa mga lalawigan para sa Kapaskuhan, na aniya, ay halos maabot na ang dating dami ng pasahero noong bago pa magkaroon ng pandemya.

Sa ngayon sinabi ni Salvador na nag-aaverage ng 70,000 passengers per day ang PITX at inaasahan nilang abutin ito sa 85,000 bago mag-Pasko.

Gayunman, ang mga biyahe sa Virac, ­Catanduanes at San Jose, Mindoro ay suspendido dahil sa bagyong Odette. Nahinto rin aniya ang biyahe papuntang Batangas dahil sa pagsisikip sa Batangas Port.

Sa pagtaas ng bilang ng mga pasahero, sinabi ng PITX na mahigpit nilang ipinatutupad ang mga minimum health protocols tulad ng mandatory na pagsusuot ng face mask upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Para mapanatili ang physical distancing, pinapayagan lamang ang pampublikong transportasyon sa terminal na mapuno ng hanggang 70 porsiyentong kapasidad.

Idinagdag ni Salvador na 100 porsyento ng lahat ng manggagawa sa PITX, kabilang ang mga driver, ay ganap na nabakunahan laban sa COVID-19.

Gayunman, ang mga hindi pa nabakunahan na pasahero ay pinapayagang sumakay mula sa terminal.

Show comments