MANILA, Philippines — Isang pulis sa Quezon City ang naaresto dahil sa umano’y pagnanakaw at pangingikil nito sa isang tindero ng prutas sa Barangay Pasong Tamo sa lungsod.
Kinilala ang pulis na si P/Cpl. Myrldon Linga Yagi na nakadestino sa QC Police Department Station 14 na naaresto sa pamamagitan ng entrapment operation sa naturang lugar nitong Miyerkules.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar, ang pulis ay inireklamo ng isang tindero na hiningian umano nito ng P2,000 sa kaniyang fruit stand upang hindi ipabaklas.
Maliban sa extortion, pinagbantaan din umano ni Yagi ang tindero sa pamamagitan ng service pistol na dala nito.
“Isa na namang kasamahan namin ang napariwara ng landas at itinaya ang kanyang propesyon at ang integridad ng aming organisasyon sa halagang dalawang libong piso,” ani Eleazar.
“Dahil dito ay titiyakin natin na habambuhay na pagsisihan ni Police Corporal Myrldon Yagi ang ginawa niyang pangongotong lalo na kung lumabas sa imbestigasyon na talagang ginawa niya ito,” dagdag pa niya.
Nakuha kay Yagi ang marked cash na ginamit sa entrapment, 9mm pistol, dalawang magazine, PNP identification card at P1,625 na cash.