MANILA, Philippines — Pansamantalang binawi ng Toll Regulatory Board (TRB) ang deadline sa pagpapatupad ng “full cashless toll transactions” sa North Luzon Expressway (NLEX) at South Luzon Expressway (SLEX).
Ayon kay TRB board member Raymundo Junia, nangangahulugan itong mayroon pa ring cash lanes sa mga naturang toll gates paglampas ng dating deadline na Enero 11.
Paliwanag niya, dahil suspendido ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ay walang magiging penalties at hindi rin huhulihin ang mga lalabag sa department order hinggil sa cashless transactions.
Matatandaang dapat sana ay ilalatag ang full cashless toll transactions sa NLEX at SLEX bukas, Enero 11.
Umani naman ng mga batikos ang pagpapatupad ng cashless toll dahil nagdulot ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko ang mga pumapalyang RFID scanners sa toll gates.