Cagayan at Isabela binalaan sa pagbaha
MANILA, Philippines — Anim na spillway gates ng Magat dam ang binuksan at nagpakawala ng tubig kahapon ng hapon kaya agad nag-anunsyo ang National Irrigation Administration (NIA) sa mga mamamayan ng Cagayan at Isabela na maghanda sa posibleng malawakang pagbaha na dulot nito.
Ang pagpapakawala sa anim na spillway gates ng Magat dam ay bunsod sa patuloy na pagtaas ng antas ng tubig sa reservoir nito na umabot na sa critical level ng 191.8 metro o kulang sa dalawang Metro bago maabot ang 193 meters spilling level.
Ang pagtaas ng tubig ay nag-ugat umano sa walang puknat na pag ulan sa watershed areas ng dam dulot ng nararanasang amihan.
Sa pabatid ng NIA-Magat River Integrated Irrigation System (MRIIS), dakong alas-5:00 ng hapon kahapon ay nakabukas na ang anim na spillway gates na may luwang na 12 meters total opening.
Matatandaan na noong nakaraang Nobyembre, pitong spillway gates ang binuksan at nagpakawala ng tubig sa daluyang may luwang na 30 metro kaya’t nagmistulang isla ang lungsod ng Ilagan sa Isabela at ang lungsod na ito, pati na ang mga karatig nitong munisipalidad dahil sa pagtaas ng tubig.
Ayon sa NIA-MRIIS, may pahintulot ng Regional Disaster Risk Reduction Management Office (RDRMMO) ang ginawa nilang hakbang na magpakawala ng tubig sa anim na spillway gates.