P2 bilyong pondo para sa Dept.of Water Resources, aprub
MANILA, Philippines — Pansamantalang inaprubahan ng House Committee on Appropriations ang P2-bilyong pondong laan para sa panukalang Department of Water Resources (DWR) na lilikhain ng National Water Act bill na kasalukuyang tinatalakay sa Kongreso.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, senior vice chairman ng House Committee on Appropriations, ang National Water Act bill ay tugon sa malawakang hiling ng publiko para sa higit na maayos at mabisang serbisyo sa tubig na paulit-ulit na ring binanggit ni Pangulong Duterte.
Layunin ng panukala na pagsama-samahin sa ilalim ng iisang bubong at isaayos ang hindi magkakatugmang mga panuntunan at sistema sa pamamahala sa tubig ng iba’t ibang ahensiya tungo sa higit na mabisa at batay sa agham na pangangalaga at wastong paggamit nito.
Napuna ni Salceda na ang patuloy na pagsasapawan ng hindi magkakatugmang panuntunan at pangangasiwa sa tubig ng iba’t ibang ahensiya ay humahadlang sa pagbuo ng maayos at mabisang lunas sa mga problemang kaugnay sa pag-aagawan, hindi patas na paggamit, at awayan sa tubig ng mga gumagamit nito, lalo na sa mga lugar na sadyang bawas na ang tubig.
- Latest