‘#DropYourBeautifulDaughter’ challenge, mapanganib
Inaabangan ng mga pedopilya…
MANILA, Philippines — Nagbabala ang child advocacy group sa mga Pinoy sa bagong nauusong #DropYourBeautifulDaughter’ challenge laban sa mga pedopilya.
Ayon sa Save the Children Philippines na kahit hindi naman malaswa ang pagpo-post ng mga magulang ng anak na babae, maari pa rin itong samantalahin ng mga sexual predator.
Nanawagan si Atty.Alberto Muyot, Save the Children Philippines chief executive officer sa mga magulang at guardians na protektahan at gabayan ang mga kabataan mula sa online sexual abuse at exploitation gamit ang social media na turuan ang mga bata sa tamang paggamit ng internet.
“While we are proud of our children and would love to share beautiful pictures of them, let us be more cautious in joining online challenges that may jeopardize their welfare,” dagdag pa ni Muyot.
Nitong mga nakaraang araw ay trending sa social media ang #Drop YourBeautifulDaughter’ challenge kung saan ipino-post o isine-share ng mga magulang ang mga litrato ng kanilang mga naggagandahang mga anak sa social media.
Ayon sa pag-aaral ng Washington-based organization International Justice Mission (IJM) nitong Mayo na naging global hot spot na ang Pilipinas para sa online child sexual exploitation.
Payo ni Wilma Banaga, Save the Children Philippines child protection advisor, na dapat samantalahin ng mga magulang ang lockdown para turuan ang kanilang mga anak ukol sa tamang proteksyon laban sa mga panganib sa internet.
Kinakailangan ding palakasin ng mga magulang ang seguridad ng social media accounts ng kanilang mga anak.
- Latest