MANILA, Philippines — Bunsod na rin ng patuloy na pagdami ng nahahawaan ng virus ay isasailalim sa tatlong araw na total lockdown ang Barangay Mauway sa Mandaluyong City na magsisimula ngayong araw, Mayo 11.
Ito ang inihayag ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos, alinsunod sa Executive Order No. 16 na inilabas. Ang total lockdown ay magsisimula ng alas-12:00 ng madaling araw ngayong Lunes at magtatapos ng alas-11:59 ng gabi ng Miyerkules, Mayo 13.
Sa ilalim ng total lockdown, mahigpit na ipinagbabawal ang paglabas ng bahay ng mga residente, maliban na lang kung may emergency at hindi rin papayagan ang paglabas at pagpasok ng mga hindi otorisadong mga sasakyan.
Sarado rin dapat ang lahat ng mga establisimyento sa barangay kabilang ang mga talipapa at mga tindahan at tanging mga frontliners, gaya ng health workers, government officials at employees, at mga manggagawa ng mga establisimyento na nagbibigay ng mga pangunahing serbisyo, gaya ng bangko, groceries at drug stores, lamang ang papayagan na lumabas ng barangay.
Sa panahon ng lockdown, magsasagawa naman ang City Health Office ng COVID-19 rapid testing para isailalim sa screening ang mahigit sa 1,000 residente ng barangay.
Batay sa datos ng lungsod, hanggang 4pm ng Sabado ay nakapagtala sila ng kabuuang 466 confirmed COVID-19 cases, kabilang ang 37 namatay at 129 na pasyenteng nakarekober sa sakit at sa naturang kabuuang bilang, ang Barangay Mauway ang pinakamaraming naitalang kaso ng sakit na nasa 71.
Una na ring isinailalim sa total lockdown ang Barangay Addition Hills na ngayon ay may 59 nang COVID cases.