MANILA, Philippines — Sa sandaling alisin na ang travel restrictions at maiayos ang mga kinakailangang protocols para maiwasan ang higit pang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ay pinaalalahanan ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go ang mga concerned government agencies na tulungan ang mga stranded na manggagawa sa Metro Manila upang ligtas na makauwi sa kanilang mga lalawigan.
Sinabi ni Sen. Go, habang inihahanda ang pag-implementa ng Balik Probinsya Program ay unahin na muna ang mga stranded na probinsyano dito sa Maynila na nahiwalay sa kanilang mga pamilya dahil sa quarantine at travel restrictions na ipinapatupad.
Anya, marapat lamang na tulungan ang mga stranded na manggagawa, tulad ng pagbibigay ng pagkain at transportasyon pabalik sa kani-kanilang probinsiya.
Nakipag-ugnayan na si Sen. Go sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa probisyon ng transportation assistance at transitory packages para sa stranded workers.
Para naman sa mga nawalan ng trabaho, hinikayat ni Go ang Department of Labor and Employment (DOLE) at mga Local Government Units (LGUs) na asistehan ang mga apektadong manggagawa sa pamamagitan nang pagbibigay sa kanila ng cash for work programs at iba pang livelihood assistance na kinakailangan sa sanda-ling makauwi na sila ng kanilang tahanan.
Binigyang-diin din ni Go ang pangangailangan ng proper health protocols upang masigurong hindi makapag-uuwi ng virus sa kanilang mga probinsiya ang mga manggagawa.