ERC aaprubahan ang power supply agreement ng Meralco
MANILA, Philippines — Inihayag ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairperson Agnes Devanadera na inaasahang lalabas ang desisyon bago matapos ang buwan ng Pebrero ang power supply agreement (PSA) ng Meralco na may kapasidad na 1,700 MegaWatts (MW) na mula sa competitive selection process (CSP) na isinagawa noong Setyembre 2019.
Anya, bagama’t karaniwang tumataas ang presyo ng kuryente pagsapit ng buwan ng Pebrero dahil sa buwan na ito nangyayari ang normalisasyon ng presyo ng kuryente ay inaasahan na maaaring hatakin pababa ng presyo ng generation charge ang presyo ng kuryente ngayong buwan dahil naging malaki umano ang papel ng mga aprubadong PSA ng Meralco.
Sa 1,200 MW na kapasidad na nakuha ng Meralco, ang halaga ng magiging bawas singil ay tinatayang aabot sa P0.41 kada kilowatthour (kWh) sa loob ng sampung taong kontrata nito kaya kung susumahin ay aabot umano sa P13.86 milyon ang matitipid ng mga kustomer kada taon o P138.60 bilyon sa loob ng susunod na sampung taon.
Ang mga generation company na nakakuha ng kontrata para sa supply ng Meralco ay ang mga sangay ng San Miguel Corporation, Ayala Corporation, at First Gen Corporation.
Para naman sa Meralco bilang pinakamalaking distribyutor ng kuryente sa bansa, ang susunod na pagtutuunan nito ng pansin sa susunod na pagsailalim nito sa CSP ay ang 1,200 MW na kapasidad na kailangan nito pagsapit ng taong 2024.
Sinusuri pa ng Department of Energy (DOE) sa kasalukuyan ang mga termino ng proseso ng nasabing CSP.
- Latest