MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Special Economic Envoy on Islamic Affairs sa Organization of Islamic Cooperation (OIC) si Nur Misuari, ang nagtatag ng Moro National Liberation Front (MNLF).
Ginawa ng Pangulo ang pagtatalaga kay Misuari sa meeting sa pagitan ng gobyerno at ng MNLF noong Biyernes.
Naniniwala ang Pangulo na mas mapapabilis ang implementasyon ng mga peace agreements at ang mas magkakaroon ng suporta ang bansa mula sa mga Islamic countries dahil kay Misuari.
Ayon pa sa Pangulo, karamihan sa mga lider ng OIC ay kaibigan ni Misuari at malaki ang respeto sa kanya ng mga ito.
Malugod namang tinanggap ni Misuari ang posisyong ibinigay sa kanya ng Pangulo.
Nakatakdang dumalo si Misuari sa annual meeting ng Parliamentary Union ng OIC Member States sa Burkina Faso sa Western Africa sa Enero 21 hanggang 23, 2020.