Lady chinese dinukot ng 3 kalahi
MANILA, Philippines — Isang babaeng Chinese ang nakita sa CCTV na dinukot ng tatlong lalaki na pinaniniwalaang kalahi rin nito sa Makati City, kamakalawa ng gabi na agad na nag-viral sa social media.
Tinukoy ang biktima na si Zhou Mei, 28, empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Habang iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng pagkakasangkot ng live-in partner ng biktima na si Cheng Tangbin, makaraang marekober ang ilang dokumento kabilang ang isang ‘deed of sale’ na nakalagay ang pangalan nito.
Sa ulat, alas-9:06 ng Lunes ng gabi nang dukutin ang biktima sa kanto ng Paseo de Roxas Avenue at Nieva Street sa tapat ng Salustiana D. Ty Building.
Nakita ng mga saksi ang biktima na hinihila ng tatlong lalaki papasok sa loob ng isang gray na Kia Carnival van (LSA 880) saka humarurot paalis.
Ilan sa mga nakasaksi ang nakakuha ng cellphone video ng insidente na ipinost sa Facebook at agad na nag-viral dahil sa isyu ng kidnapping ng mga van na kumakalat sa Metro Manila.
Lumabas sa imbestigasyon na kusang pumasok sa loob ng van ang biktima ngunit muling bumaba na kung saan siya nakitang kinakaladkad ng tatlong lalaki para ipasok muli sa van na kung saan ay naiwan sa lugar ang ilang dokumento ng deed of sale kung saan natukoy ang pangalan ni Cheng Tangbin na kinakasama ng biktima.
Nang puntahan ang tinutuluyang condominium ni Cheng sa Legaspi Village na ilang metro lang ang layo sa lugar ng pagdukot ay wala ito roon na ayon sa sekyu ay nagmamadaling lumabas ng gusali si Cheng.
Nang berepikahin ang plaka ng sasakyang ginamit sa pagdukot sa Land Transportation Office (LTO) ito ay mula sa isang Mitsubishi L300 at hindi sa isang Kia Carnival.
Ayon pa sa imbestigasyon na may naniningil na malaking halaga ng pera ngunit hindi pa matukoy kung si Cheng o ang dinukot na si Zhou ang sinisingil.
- Latest