MANILA, Philippines — Ngayong buwan ng Disyembre ay tataas ng P0.3044 kada kilowatt hour (kwh) ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco).
Ang naturang pagtaas ng singil ay katumbas ng P60.88 na dagdag sa bayarin ng mga tahanang kumukonsumo ng 200 kwh kada buwan; P91.32 para sa nakakakonsumo ng 300 kwh kada buwan; P121.76 sa nakakagamit ng 400 kwh at P152.20 naman sa nakakagamit ng 500 kwh kada buwan.
Ipinaliwanag ng Meralco na ang pagtataas ng electricity rates na mahigit 30 sentimo/kwh ngayong December bill ay dulot ng pagmahal ng presyo ng kuryente sa spot market dahil sa dalawang ulit na pagtataas ng yellow alert sa Luzon sa nakalipas na buwan at mas mataas na generation charges.
Tumaas rin umano ang presyo ng power mula sa Independent Power Producers (IPPs) ng P0.1106/kWh at P0.0987/kWh naman mula sa Power Supply Agreements (PSAs).