Pagpapalaya kay ex-Mayor Baldo tatangkaing harangin ng PNP
MANILA, Philippines — Matapos payagan ng Bicol RTC na makapaglagak ng piyansa at pansamantalang mapalaya si dating Daraga, Albay Mayor Carlwyn Baldo na utak sa pagpatay kay dating Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe at bodyguard nito ay tatangkain itong harangin ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ni PNP Chief Police Gen. Oscar Albayalde, hihilingin nila ang tulong ng Office of the Solicitor General para sa posibleng legal remedies upang hindi makalaya si Baldo.
Si Baldo ay siyang itinurong mastermind sa pagpatay kay Batocabe at sa dating security detail nitong si dating Police Senior Sergeant Orlando Diaz noong Disyembre 22 ng nakalipas na taon sa covered court ng isang gymnasium sa Brgy Burgos, Daraga, Albay habang namimigay ang dating opisyal ng basket ng regalong pamasko sa mga senior citizens at mga may kapansanan.
Si Baldo, isang re-electionist ay sinasabing mahigpit na katunggali ni Batocabe sa mayoralty race na siyang motibo ng krimen kaugnay ng midterm elections noong nakalipas na Mayo.
Nitong Agosto 30 ay pinayagan ni Judge Maria Theresa San Juan-Loquillano ng Regional Trial Court (RTC) Branch 10 na magpiyansa si Baldo matapos na mabigo umano ang prosekusyon na magpakita ng matibay na ebidensya laban kay Baldo.
- Latest