MANILA, Philippines — Tatlong araw na lock-out policy ang ipapatupad ng Kamara bago sumapit ang State of the Nation (SONA) ni Pangulong Duterte sa Lunes (Hulyo 22).
Epektibo ang lock-out policy sa Hulyo 19-21, 2019 kung saan hindi papayagang makapasok ng Batasan Complex ang sinumang walang official business.
Nakasaad din sa inilabas na advisory ni House Acting Secretary General Roberto Maling na hindi makakapasok ang mga sasakyang walang stickers na inisyu ng Kamara.
Ang nasabing hakbang ay para masiguro ang kaayusan at seguridad bago ang nakatakdang SONA ng Pangulo sa lunes.
Makakapasok lamang ay ang mga empleyado at non-employees tulad ng media personnel, caterers at contractors sa mga nabanggit na araw kung kasama ang kanilang pangalan sa isinumite ng Office of the Executive Director Legislative Security Bureau.
Kung nasa listahan naman ay kailangan lang isuot ang kanilang IDs at ang pagkakabit ng color coded stickers sa north gate ng Batasan.