MANILA, Philippines — Sinuportahan ng Senado ang plano ng gobyerno na pagbayarin ng buwis ang mga Chinese workers sa bansa.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto dapat ay walang “great wall” na haharangan at magbibigay ng proteksiyon sa Chinese labor sa pagbabayad ng buwis sa kinikita nila sa Pilipinas.
Sinabi ni Recto na dapat sundin ang ultimatum ng Department of Finance sa mga Chinese employees at employers tungkol sa pagbabayad ng buwis.
Dapat aniyang tiyakin muna na nakakakolekta ng buwis bago itaas ito.
Idinagdag pa ni Recto na baka kaya nagdadagsaan ang mga dayuhan sa Pilipinas ay dahil masyado maluwag ang gobyerno at nalulusutan ang BIR, DOLE at Bureau of Immigration.
Sinabi ni Recto na ang mga Filipino workers at mga professionals ay nagbayad ng nasa P37- bilyong income tax noong 2017, na kumakatawan sa 20 porsiyento ng kabuuang buwis.
Ayon pa kay Recto, sa bawat P5 ibinabayad na buwis, P1 dito ay nagmula sa mga individual income earners.
Idinagdag din ni Recto na hindi maaaring istrikto ang BIR sa mga manggagawang Filipino pero hindi sa mga foreign nationals.