Pagkapatay sa killer ng mag-asawang senior, iimbestigahan
MANILA, Philippines — Magsasagawa ng malalimang imbestigasyon ang National Capital Regional Police Office (NCRPO) hinggil sa pagkakapatay ng suspek na sangkot sa panloloob at pagpaslang sa mag-asawang senior citizen matapos itong mabaril ng commander ng Novaliches Police Station dahil nang-agaw umano ng baril, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.
Sinabi kahapon ni NCRPO director P/Major General Guillermo Eleazar, handa aniyang humarap sa imbestigasyon ang commander ng naturang himpilan ng pulisya na si P/Lt Col. Rossel Cejas na siyang sinasabing bumaril kay Carl Joseph Bañanola, suspek sa pagpatay sa mag-asawang senior citizen.
Ayon sa report, naganap ang insidente Miyerkules ng gabi sa Camp Karingal, kung saan nakasakay ng mobile patrol si Bañanola, na naka-escort sa kanya ang mga pulis.
Katatapos lamang aniya isailalim sa inquest ang nasabing suspek nang hilingin nito sa mga pulis na luwagan ang kanyang posas.
Habang niluluwagan ang posas ng suspek, dito na umano ito nang-agaw ng baril, dahilan upang barilin ito ni Col. Cejas.
“Ito pong ating hepe si Colonel Rossel Cejas na nasa unahan naman, naisip niya na baka magkaroon ng accidental firing, may tamaan pa so para ma-disable, binaril niya sa hita. Eh nagpapalag pa, nabaril din niya sa katawan”, sabi pa ni Eleazar.
Sinabi ni Eleazar, sakali aniyang may paglabag, posibleng maharap sa kasong administratibo at kriminal ang mga pulis na sangkot at hindi naman aniya nila kukunsintihin ang mga ganitong insidente.
- Latest