MANILA, Philippines — Apat na lalaking suspek sa pagpatay kay Barangay chairwoman Crisell Beltran at driver nitong si Mario Salita ang nadakip ng mga otoridad sa isinagawang mga follow-up operation.
Iniharap kahapon sa mga mamamahayag nina NCRPO Director, P/Director Gen. Guillermo Eleazar, QC Acting Mayor Joy Belmonte at QCPD Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., ang mga suspek na sina Teofilo Formanes, 48, market inspector ng Commonwealth Market, at magkakapatid na sina Ruel Juab, 38, delivery boy, Orlando Juab, 32 at Joppy Juab, 28 na pawang mga vendor.
Nabatid sa isang follow-up operation noong Biyernes ng umaga nang maaresto si Formanes sa likuran bahagi ng Commonwealth Market nang makita ng mga otoridad na sakay ng motorsiklo.
Kinapkapan ito at nakuha ang 9mm na baril, baseball caps, celphone at tatlong hand held radio.
Positibong kinilala ng ilang testigo si Formanes matapos ipakita sa kanila ang larawan nito, base na rin sa ‘facial composite illustration’ o cartographic sketch.
Nang isailalim sa interogasyon si Formanes ay ikinanta nito ang kanyang mga kasama sa pag-ambus kay Beltran at Salita.
Kaya’t bumuo ng panibagong team ang QCPD at isinagawa ang panibagong follow-up operation na nagresulta nang pagkakadakip sa magkakapatid na Juab sa no. 38 Steve St. Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Inaresto din ng pulisya sina Miguel Juab, 26, Mangmang Rasia, 26; Boy Fernandez, 52, dahil sa kasong obstruction of justice matapos nilang pigilan ang mga otoridad sa pag-aresto sa mga magkakapatid na suspek.
Nakakulong sa QCPD detention cell ang mga suspek at nahaharap sa kasong murder, frustrated murder in relation to RA 7610, attempted murder, at illegal possession of firearms in relation to the Omnibus Election Code.
Magugunitang inambus si Beltran na kandidatong kongresista sa 2019 midterm elections at driver nitong si Salita sa Brgy. Bagong Silangan, Quezon City noong Enero 30, 2019 habang sakay ng puting Ford Everest na may plakang NDO-612.
Umaasa naman si Belmonte na ang P5 milyon na reward money na naaprubahan ng konseho para sa magbibigay daan sa paglutas sa kaso ay nakatulong para mapabilis ang pag-usad ng kaso.