P5-M reward sa makapagtuturo sa pumaslang kay Beltran

MANILA, Philippines — Itinaas ng Quezon City Council sa P5 milyon ang reward money sa sinumang makakapagturo at magbibigay daan para maaresto ang pumatay kay Brgy. Bagong Sila­ngan Chairwoman Crisell “Beng” Beltran.

Umabot lamang ng mahigit 30 minuto at hindi dinaan sa mahabang deli­berasyon ang pag-apruba ng mayorya sa ordinance # PO20CC-538 na naglalaan ng P3 milyon bilang reward money na iniakda ni QC Councilor Alfredo Roxas.

Ipinaliwanag ni QC Acting Mayor Joy Belmonte na binigyang timbang ng konseho na maitaas sa P5 milyon ang reward money upang higit na mas mapadali ang paglutas sa krimen.

Umaasa si Belmonte na sa pagtataas ng reward mo­ney ay agad na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Beltran.

Inilabas kahapon ng pamunuan ng Quezon City Police District (QCPD) ang facial composite illustration o cartographic sketch ng isa sa mga suspek sa pagpatay kay Beltran at driver nitong si Salita.

Ayon kay QCPD Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr, lahat ang anggulo ay sinisilip ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) Beltran’ para mabatid ang motibo at maresolba ang krimen.

Base sa description ng mga eyewitnesses, ang isa sa mga salarin ni Beltran ay nasa edad na 40, may taas na  5’4” to 5’5”, slim build, fair complexioned, black hair nakasuot ng long sleeves, black jacket at long pants.

Magugunita na kamakalawa ng tanghali nang mabaril at mapatay si Beltran na kandidatong congresswoman sa ikalawang distrito at ang driver nito na si Melchor Salita nang pagbabarilin sila habang sakay ng SUV malapit sa gate ng Filinvest 2 Subdivision, JP Rizal St., ng nasabing barangay.

Show comments