Kelot dakma sa pagpapalusot ng droga sa selda
MANILA, Philippines — Swak sa selda ang isang 33-anyos na lalaki matapos masakote ng mga otoridad sa tangkang pagpupuslit ng shabu para sa kaibigang nakakulong, habang 22 iba pang drug suspects ang dinakma ng mga pulis sa magkakahiwalay na anti-illegal drug operations sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., inaresto ng mga tauhan ng Masambong Police Station (PS 2) ang suspek na si Albert Mendoza, ng Brgy. San Antonio, matapos na mahulihan ng isang pakete ng shabu at aluminum foil dakong alas-4:30 ng hapon kamakalawa.
Nauna rito, bibisitahin sana ni Mendoza ang kanyang kaibigan na si Garry Advincula, 28, ng Montalban, Rizal, na nakakulong sa custodial facility ng PS-2, dahil sa drug charges.
Gayunman, habang isinasailalim ang suspek sa mandatory frisk na isinasagawa sa mga bisita sa kulungan ay nakumpiskahan ito ng kontrabando sa kanyang katawan, sanhi upang maging siya ay ikulong na rin ng mga awtoridad.
Samantala, 22 pang drug suspects ang naaresto rin ng mga tauhan ng QCPD sa iba pang anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
- Latest